BAKIT KAILANGAN NA MAPUSPOS NG BANAL NA ESPIRITU?

Ang liham ni Apostol Pablo sa mga Taga- Efeso ay isang ‘cyclical letter’ o' isang liham na hindi lamang para sa mga taga-Efeso, kundi para sa lahat ng mga iglesia sa Asia Minor. Ang mga iglesia na ito ay dumaranas ng matinding krisis dahil sa mga maling katuruan na lumalaganap sa mga panahon na iyon. Ang mga kabanata 4, 5, at 6 ng Efeso ay isang bahagi kung saan itinuturo ni Pablo ang mga praktikal na bagay tungkol sa buhay Kristiyano. Sa simula ng ika-4 na kabanata ay pinangangaralan niya ang mga Kristiyano na silay dapat na lumalakad ng karapat-dapat ayon sa pagkatawag sa kanila. Ito ay isang mahalagang tawag sa pagiging katulad ni Kristo. Pinaguusapan din dito ang pagkaka-isa ng iglesia, Na ang bawa't isang Kristiyano indibidwal ay may personal na tungkulin na panatilihin ang kalusugan at pag-lago ng buong iglesia, sapagkat ang lahat at bawa't isang mananampalataya ay binigyan ng kani-kaniyang kaloob at talento ng Banal na Espiritu upang maglingkod sa ministeryo (cf. 1 Cor. 12:7). Kaya't kung ikaw ay ligtas, ikaw ay isang sugo ng Dios upang ipangaral ang Ebanghelyo 24/7 hindi lamang sa salita kundi sa pamamagitan ng gawi ng iyong buhay dito sa mundong nahulog sa kasalanan. Na ang ating buhay ay dapat magsilbing makapangyarihang patotoo tungkol sa pagibig at biyaya ng Panginoong Hesus. Sa dulo ng ika-4 na kabanata hanggang sa simula ng ika-5 kabanata ay matutunghayan natin ang mga talinghaga tunkol sa ‘paghubad ng lumang damit’ at ‘pagsuot ng bagong damit’; samakatuwid baga’y ang paglupig sa ‘lumang pagkatao’ at pagpapairal ng ‘bagong pagkatao’ sa ating buhay. Ito ay nagpapatunay na ikaw at ako ay may bahagi sa buhay-Kristiyano. At dito mararanasan natin ang maigting na pagtutunggalian sa ating mga kalooban. Ako ay naniniwala na ang kaligtasan ay walang pasubali, libre sa natapos na gawain ni Hesu-Cristo. Ngunit kinakailangan kong tanggapin ito. Dapat kong tanggapin ito. Ganun din naman ang buhay-Kristiyano ay isang ‘supernatural gift of God’, hindi uubrang makuha o’ magana sa sariling kakayahan ng mga makasalanang nilalang katulad nating lahat. Ito ay isang sakdal na biyayang kaloob katulad ng kaligtasan, ngunit kinakailangang ating tanggapin. Wari bagang mayroong isang pintuan sa ating espiritwal na buhay, na kung saan ang bukasan ay nasa ating panig, at ang Dios bagama't nais Niya na pumasok sa pintuan na yaon, ay hindi Niya ipipilit ang Kanyang Sarili. Gagawa Siya ng mga sirkumstansya sa ating buhay upang akitin tayo na lumapit sa Kanya, ngunit maliban na buksan natin sa sariling-kusa ang pintuan ng ating puso, ay Hindi Siya papasok. Kailangang piliin natin, sadyain natin na buksan ang pintuan na yaon, hindi lamang sa kaligtasan kundi pati na rin sa pangaraw-araw na pag-puspos ng Banal na Espiritu sa atin upang maipamuhay natin ang buhay Kristiyano.
Paano natin gagawin ito? Nakikipagpunyagi tayo sa kasalanan at patuloy na kasalanan. Ang ating mga espirituwal na mata ay nababalot sa kadiliman dahil sa kasalanan. Nakikipagpunyagi tayo sa mga hilig ng laman. ito ang katotohanan ng buhay-Kristiyano. Ako ay naniniwala na noong tayo ay nangaligtas, ang ating ‘lumang pagkatao’, bagama't nawalan ng bisa, ito ay naroon pa rin sa tabi ng ating bagong pagkatao. Ayon sa mga guro ng Hudaism, sa puso daw ng tao ay mayroong nananahan na 2 aso; isang puti at isang itim na aso - simbolo ng kasamaan at katuwiran; at ang siya nating malimit na pakainin ay ang siyang lalaking lubha at maghahari sa ating buhay. Ako ay naniniwala sa malayang-pagsadya o’ ‘free will’ ng tao. Bagama't ako'y naniniwala sa kataas-taasang kapangyarihan (sovereignty) ng Dios, gayundin naman ako'y naniniwala sa karangalan (dignity) ng taong nilikha sa anyo at wangis ng Dios; na tayo'y mas higit pa sa mga anghel, na tayo ay pinagkalooban ng kalayaan na pumili ‘free will’, at ang mga kaakibat nitong ligaya at responsibilidad sa pagpapairal nito. Ito ang nais kong pagusapan natin ngayon - kalayaan na pumili o ‘free will’. Itong freewill na mayroong hilig sa kasalanan, at ng pagiging makasarili - “akin, ako, anong mapapakinabangan ko diyan?” na isipan. At tayong lahat ay nakikibaka sa pagkahilig sa kasalanan. Ngayon, kung ang ‘free will’ ay isang katotohanan sa larangang espiritwal, ang tanong ay, paano tayong lalakad na karapatdapat sa ating pagkatawag bilang mga anak ng Dios? Papaano natin gagawin ito, tayong mga anak ng Dios.?
Sa ika-5 kabanata ng Efeso, talata 15-21, matutunghayan natin ang ginamit na salitang “lumakad”. Ang salitang "lumakad" ay kadalasang ginagamit ni Pablo bilang isang talinghaga sa Biblia tungkol sa pamumuhay-Kristiyano. "Maglakad nang karapat-dapat"; "huwag kang maglakad gaya ng paglalakad ng mga Gentil"; "lumakad sa pag-ibig tulad din ni Kristo ..." - Ang lahat ng mga ito ay mga talinghaga sa buhay-Kristiyano. Ang isa pa ay, "Mag-ingat kung paano ka naglalakad, hindi bilang mga taong mangmang kundi bilang matalino,". May mga Kristiyano na nagsisilakad sa isang di-maalam na paraan, namumuhay sa kamangmangan, at sinulat ni Pablo ang mga ito sa liwanag ng mga bulaang guro. Tandaan na ang Efeso ay isang ‘cyclical’ na liham na isinulat upang labanan ang maling aral na kung tawagin ay ‘Gnostisismo’, na siyang pangunahing pakikibaka ng iglesya ng unang siglo sa grupong ito ng mga intelektuwal na Griyego na nagsisikap na paghaluin ang pilosopiyang Griyego sa Ebanghelyo. At kaya naman bumalik si Pablo at nagsabing, "mag-ingat ka kung paano ka lumalakad, hindi bilang mangmang kundi bilang matalino, sinasamantala ang oras, sapagkat ang mga araw ay masama." Ang "pagtubos sa oras" ay isang salitang komersyo na nangangahulugan ng pagbili ng isang bagay dahil ang presyo ay tama at nasa takdang panahon. Ang ibig sabihin nito ay, "samantalahin ang mga pagkakataon". Kadalasa'y kailangan nating mapagpaalalahanan na habang dumadaan tayo sa buhay na ito, makakatagpo tayo nang mga tao na marahil ay minsan lamang nating makakadaupang palad sa ating buhay, at ang bawat isang pagtatagpo na ito ay maaring maging pagkakataong maligtas o' dili kaya nama’y mapahamak ang kaluluwang yaon. Nais kong malaman ninyo na ang walang-hanggan o’ ‘eternity’ ay nasa ating mga kamay araw-araw, sa buhay ng bawat taong nakakatagpo natin sa araw-araw. Dapat nating mapagtanto na kung ang Kristiyanismo ay totoo, batid natin ang tanging sagot sa problema ng tao. Ang problema ng tao ay hindi kamangmangan, hindi rin kakulangan ng pera, hindi rin kakulangan ng pagkain. Ang problema ng tao ay Kasalanan. Ito ay ang nawasak na relasyon natin sa ating Diyos na Manlilikha. At ikaw at ako ay naging lubhang komportable sa pakikinig sa mensaheng ito. Naging lubhang palasak na ang mensaheng ito sa ating mga budhi. Nalilimutan natin ang radikal na katangian at kapangyarihan ng Ebanghelyo ni Jesucristo na nakakapagbago sa tao. "Samakatuwid baga'y huwag tayong maging mangmang, unawain natin ang kalooban ng Dios" Ano ang kalooban ng Dios? "Na ang lahat ay magsisampalataya kay Kristo na Kanyang sinugo" (i.e. Juan 6:29)
(cf. Efeso 5:18) Naitanong mo na ba sa iyong sarili kung bakit inihambing ni apostol Pablo ang "mapuspos kayo ng Espiritu" sa "huwag malasing ng alak"? Hindi ba uubrang gumamit si Pablo ng isang mas mahusay na ilustrasyon? Bueno, ang isang taong lasing sa alkohol ay walang kontrol sa kanyang paggalaw, pagsasalita at pagiisip. Ang alak ang mayroong kontrol sa kanya. Ngunit ito'y totoo lamang habang siya ay lasing. Ang pagkalasing ay lumilipas. Kailangan mong magpatuloy uminom ng alak upang manatiling lasing. Sa katulad na paraan, ang pagiging puspos ng Espiritu ay hindi isang minsanang pangyayari; napuspos tayo noong tayo ay naligtas, at nararapat na nanatili tayong puspos. Sa ika-2 kabanata ng Mga Gawa, mapagaalaman natin na si Pedro at ang ibang mga alagad ni Hesus ay napuspos ng Espiritu at nangaral ng buong tapang. Ngunit sa ika-4 na kabanata ay kinakailangan nilang mapuspos na muli upang mangaral ng buong tapang. Nagpapatunay lamang na ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu ay ‘tumagas’ sa kanila. Anupa’t masasabi natin na ang pagiging puspos ng Espiritu ay isang bagay na paulit-ulit, isang napakahalagang bagay na dapat ulit-ulitin. Ito ay isang pang-araw-araw na karanasan, at ito'y isang utos na mapuspos ng Espiritu. Ito ay hindi isang mungkahi. "Kailanman mapuspos ng Espiritu" ay ang pamantayan ng buhay-Kristiyano. Kung sa palagay ninyo ang katotohanang ito'y lubhang radikal, o kaya naman ay di-pangkaraniwan, ito ay nagpapatotoo lamang ng kung gaano tayo kalayo sa inaasahang pamantayan, samakatuwid baga'y ang pagiging katulad ni Kristo, o kabanalan. Walang sinuman ang makakapuspos sa kanyang sarili. Ngunit ang tao ay mayroong gagawing pagpipili; mayroong isang pagpipilian tulad ng isang pintuan ang bukasan ay na sa ating panig. At tayo'y dapat maging handa upang buksan ang pintuan na iyon. Dapat tayo maging handang pahintulutan ang Diyos na puspusin ang ating buhay ng kabanalan o’ ‘Christlikeness’. Dapat nating gawin ang pagpili ng maging laging-laan, at dapat nating gawin ang pagpili ng pagsadya. Dapat nating piliin ang pag-unawa sa ebanghelyo at ang mga kaakibat nitong kahihinatnan, at mga implikasyon. "Pahintulutan natin ang sarili na mapuspos ..." ay isang paraan upang sabihin ito.
May pagtatalo-talo sa mga Kristiyano tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng mapuspos ng Espiritu? Ang alam ng iba, ang mapuspos ng Espiritu ay may kinalaman sa "speaking in tongues", ang iba naman ay pagtaas ng kanilang kamay sa bahay-sambahan, o ‘dancing in the Spirit’, o’ ‘being slain in the Spirit’. Naniniwala ako na ang katanungan na ito ay hindi masasagot batay lamang sa ating karanasan. Hindi rin sa ating mga tradisyon o denominasyon, kungdi mula rin sa Biblia. Sa isang ‘parallel passage’ sa Colosas 3:16. Hindi ito isang word parallel, kundi isang structure parallel, at ang isinasaad nito ay isa ring utos - "Manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan, kayo'y mangagturuan at mangagpaalalahanan sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awit na ukol sa espiritu, na magsiawit kayong may biyaya sa inyong puso sa Dios.". Ito ay eksaktong ‘theological parallel’ ni Pablo sa Efeso 5:18-19, "Kayo'y mangapuspos ng Espiritu...". Mali ang ating pagaakala na ang pagiging puspos ng Espiritu ay nakabatay lamang sa personal na karanasan. Mali ang ating pag-aakala na ang pagiging puspos ay nagaganap lamang kapag nakapag ‘speaking in tongues’ ka, o dili kaya'y nagaganap lamang kapag mayroong ‘revival crusade’. Hindi, ang wika'y "kailanman mapuspos ng Espiritu", at iyan ay ang pang-araw-araw na karanasan ng isang Kristiyano. At iyan ang dahilan kung bakit lubhang napakahirap sapagkat ito ay pang-araw-araw na pangyayari sa ating pakikitungo sa ating kapwa. Si Hesu-Kristo ay dapat nasa mga detalye, si Kristo ay dapat na nasa ating mga pagpili, si Kristo ay dapat nasa ating taos-pusong mga panalangin at alalahanin habang tayo'y lumalakad sa mundong ito. Tayo ay nagkakamali kung sa palagay natin ang "pagpuspos ng Espiritu" ay isang uri ng emosyon o pakiramdam. Ito ay ang ating pagsadya at pagpili sa buhay kabanalan nang pagiging katulad ni Kristo.
Ano ba ang kahulugan ng maging katulad ni Kristo? Ang pagiging katulad ni Cristo ay ang kakayahang patawarin ang iba. Ang pagiging katulad ni Kristo ay ang kakayahang maging hamak na lingkod; laging nakalaang magparaya; Ang pagiging katulad ni Kristo ay pagiging mapagpakumbaba. Ang salitang mapagpakumbaba ay labis na negatibo sa modernong konteksto at kailangan nating malaman na dahil ito'y paboritong konsepto ni Pablo, ginamit niya ang salitang ito ng 23 ulit sa kanyang mga liham. Sa aklat ni Juan, at sa ilang mga lugar sa mga Ebanghelyo, natututuhan natin na si Hesus ay naging masunurin sa kanyang Ama sa langit (cf. Juan 6:38; Mateo 26:42; Marcos 14:36), at naging masunurin din naman sa Kanyang mga magulang dito sa lupa (cf. Lucas 2:51). Sinasabi ko sa iyo, kung ang salitang ito ay magagamit ukol kay Jesus, hindi ito maaaring maging isang negatibong salita. Ito ang salita na pangkaraniwang ginagamit sa hanay ng militar; na ang isang korporal ay nakikinig sa isang sarhento; ang sarhento ay nakikinig sa isang tenyente, at ang tenyente ay nakikinig sa iba pang mas nakakataas sa kanya sa ‘military chain of command’. Ang pagpapakumbaba ay mayroong negatibong kahulugan sa mga tao sa mundo, subalit sa Biblia ang pagpapasakop o' pagpapakumbaba ay isang katangian katulad ng kay Cristo sa ating pangaraw-araw na pakikitungo sa ating kapwa tao. Kinakailangan na tayo'y nagpapasakop sa bawa't isa alang-alang kay Kristo. Ang bawat isa sa atin ay nakatayong pantay pantay sa paanan ng krus ni Hesus. Walang mga espesyal na anak ng Dios, lahat tayo ay mga anak lamang ng Diyos. At lahat tayo ay tagapaglingkod. At tayong lahat ay tinatawag tungo sa pagiging katulad ni Kristo. Tinawag tayo upang maging mapagpasalamat, at maging mapagpasakop, at mapagpahinuhod, at hindi natin ito magagawa ito kung hind natin papahintulutan ang Banal na Espiritu na gumawa sa ating buhay (cf. Rom 8: 13- 14). Dapat nating ipagkaloob ang ating sarili sa Kanya sa gitna ng sakit at kawalan ng katiyakan, at salungatan, at kakulangan sa kaginhawaan. Dapat tayong magbunga sa ating mga mabubuting gawa sa araw-araw, sinasadya, regular, at paulit-ulit sa kapangyarihan at presensya ng Banal na Espiritu na siyang kalooban ng Diyos sa ating buhay.
Advertisement